-- Advertisements --
image 219

Nakapag-ambag ng malaki ang sektor ng turismo sa Pilipinas sa paglago ng ekonomiya noong 2022 sa gitna ng muling pagbubukas ng domestic at international borders kasabay ng pagrekober ng buong mundo mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Base sa data na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na ang direct gross value added (TDGVA) ng turismo sa gross domestic product (GDP) ay tinatayang nasa 6.2%.

Ito ay mas mataas kumpara sa naitalang 5.2% noong 2021.

Ang share ng turismo sa 2022 gross domestic product ay may katumbas na halaga na P1.38 trillion, tumaas ng 36.9% mula sa P1 trillion noong 2021.

Kabilang dito ang inbound tourism expenditure na tumutukoy sa ginastos ng dayuhang mga turista at Pilipino na permanenteng residente sa ibang bansa na nasa Pilipinas na nag-ambag at tumaas ng P368.67 billion mula sa P27.63 billion noong 2021.

Gayundin ang domestic tourism expenditure o ang paggastos ng mga resident visitors sa loob ng bansa ay nagkakahalaga ng P1.50 trillion na may taunang paglago ng 92.3%.

Tumaas naman sa 9.3% ang employment sa industriya ng turismo noong nakalipas na taon na nasa 5.35 million.