-- Advertisements --

PSG
Presidential Security Group EOD/K-9 team

Mas mahigpit na seguridad ang ipinatupad ngayon sa Batasan Pambansa sa Quezon City matapos isailalim sa total lockdown ang kamara epektibo kaninang alas-12:00 ng tanghali bilang paghahanda sa kauna-unahang SONA ni Pang. Bongbong Marcos Jr sa Lunes, July 25,2022.

Umaga pa lamang kanina, nagkukumahog na ang lahat sa paglilinis, pag-aayos ng Plenary hall, mga opisina ng mambabatas, pag install ng mga equipments at iba.

Makikita din ang presensiya ng mga miyembro ng Presidential Security Group sa loob at labas ng Batasan Pambansa Complex.
Umiikot na rin ang mga K-9 dogs ng PSG na nagsasagawa narin ng inspection.

Simula kaninang alas-12 hanggang sa linggo ay wala ng makakapasok sa House of Representatives, bukod na lamang sa mga tinaguriang “essentials” magbubukas na lamang ito sa darating na Lunes SONA day.

Una ng sinabi ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza nasa 1,360 ang mga inimbitahang mga guest kabilang na dito ang mga dating pangulo, pangalawang pangulo at ang mga miyembro ng Dimplomatic corps.

Sa ngayon nasa 80 percent na ang tumugon sa imbitasyon kabilang sina dating Pangulong Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo.

Hindi naman sinabi ni Mendoza kung kasama si dating Pangulo Rodrigo Duterte ang dadalo sa SONA sa Lunes.

Nakahanda na rin ang red carpet para sa mga bisita sa lunes, kung saan makikita na naman natin ang mga nagsigandahan at bonggang bonggang mga kasuotan.

Ayon naman kay House Seargent at arms Rodelio Jocson, in-placed na ang kanilang security preparations bagkus nagpapatuloy ang kanilang inter-agency meeting para plantsahin ang anumang mga gusot.

Sinabi ni Jocson, magpapatupad ang mga otoridad ng “no fly” zone sa area ng Batasan Pambansa at asahan na magkakaroon ng jamming sa telephone signals sa panahon ng SONA.

Ang award winning director na si Paul Soriano ang siyang mag direk ng SONA ng Pangulo.

Samantala, handang handa na rin ang pamunuan ng House of Representatives na tanggapin si Pang. Bongbong Marcos sa Lunes.

Ayon kay Presumptive Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez umaasa silang magiging informative ang talumpati ni Pang. Marcos Jr na siyang magsisilbing guidelines ng 19th congress para ipatupad ang mga legislative measures ng Pangulo para sa kapakanan ng sambayanan at sa bansa.