Naniniwala ang ilang security analysts na ngayon pa lamang ay dapat maghanda na ang gobyerno ng Pilipinas sa magiging contingency measures sakaling lumala ang girian ng China at Taiwan.
Ayon kay Chester Cabalza, ang presidente at founder ng International Development and Security Cooperation, napakahirap ng sitwasyon ng Pilipinas lalo na at binabalanse nito ang relasyon sa dalawang superpowers na Amerika at China.
Sinabi na rin sa Bombo Radyo ni Jose Antonio Custodio, isang military historian at international security analyst, na dahil sa meron namang umiiral na informal diplomatic mission ang Pilipinas sa Taiwan dapat sa Day 1 pa lamang ay bumabalangkas na ng mga plano.
Inihalimbawa nito ang sitwasyon sa South Korea, na palaging may countermeasures ang diplomatic mission sakaling sumiklab ang conflict nito sa katabing North Korea.
Kabilang aniya sa nararapat paghandaan ay ang economic fallout kung paano aasistehan kung sakali ang nasa 200,000 na mga OFW na nasa Taiwan.
Bagamat umaasa raw ang lahat na hindi mauwi sa Chinese invasion ang pagporma ng People’s Liberation Army (PLA) sa kanilang military drills, mas mabuti na aniya na maghanda ang Pilipinas sa mga “worst case scenario” lalo na at maituturing ang rehiyon bilang potential conflict area.
Nagpanukala rin si Custudio na pwede rin namang umeksena ang DFA o mag-step-up para magsilbing reperi lalo na at “feeling” daw ng Philippine government ay “friend” ang China.
Sa huli sinabi ng naturang security analyst, hindi man main player ang Pilipinas at maituturing na “bystander” lamang, sa ngayon isali na rin daw sa dasal na hindi mauwi ang nangyayari sa Taiwan Strait sa panibagong giyera.