Binati nina Defense Sec. Delfin Lorenzana a AFP chief of staff Lt. Gen. Jose Faustino ang lahat ng mga makabagong bayani ng bayan ngayong National Heroe’s Day.
Sa isang mensahe, inihayag ng kalihim na ang okasyon ay hindi lamang para sa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng bansa kundi sa mga nagsusumikap na ipagtanggol ito mula sa mga sumisira sa institusyon at pamumuhay ng mga Pilipino.
Giit ni Lorenzana, magsilbing inspirasyon sana ang mga bayani ng nakalipas upang magampanan ng bawat isa ang kanilang tungkulin na magkaisa para sa kapakanan ng bansa.
Kasunod nito, hinimok ng kalihim ang publiko na maging bayani sa sariling paraan dahil ang makabagong kalaban na sumasakop sa bansa ay ang COVID-19 na hindi nakikita.
Kaya naman, ang pagsunod sa mga panuntunan tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pagpapanatili ng distansya sa bawat isa ay maituturing isang uri ng pagiging isang bayani na nagmamalasakit sa kaniyang kapwa Pilipino.
Sa kabilang dako, mensahe naman ni AFP chief of staff Lt Gen. Jose Faustino na bawat Pilipino ay maaaring maging bayani sa kani-kanilang larangan at kahit sa maliit na pamamaraaan.
Ayon kay Faustino, dapat ipagpatuloy ang pagpaparangal sa mga bayani ng bayan na naghandog ng kanilang sarili, makamit lamang ang kalayaan at demokrasyang ating tinatamasa.
Kinilala at pinarangalan din ng AFP chief ang lahat ng mga makabagong bayani na sumasagip ng buhay sa mga ospital, lumilikha ng pagkain at iba pang pangunahing mga pangangailangan.
Gayundin sa mga nagpapanatiling ligtas ang pamayanan sa kabila ng pandemya na kinakaharap ng bansa.