Nabigyan na ng permit ang mga search and rescue team para ipagpatuloy ang paghahanap sa nawawalang Cessna plane sa Albay.
Sinabi ni Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP spokesperson Eric Apolonio na nakahingi na ng permit ang search and rescue teams para mapasok na ang sinasabing pinagbagsakan ng Cessna plane na nasa loob ng permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Apolonio target nilang makita ang crash site mismo para matukoy kung ang sinasabing sightings ng bumagsak na Cessna plane ay ang kaparehong Cessna plane na hinahanap.
Gayunpaman, bagamat may permit nang pasukin ang permanent danger zone kung saan may sightings ng eroplano, ang problema naman ngayon aniya ay malakas ang ulan.
Karaniwan aniya ay may nangyayaring flashflood na nanggagaling sa gawing itaas ng Bulkang Mayon kaya kailangang ding mag ingat ang mga otoridad.
Ayon kay Apolonio, kailangang makita ng mga imbestigador ang bumagsak na eroplano para matukoy kung ano ang posibleng dahilan ng insidente, kung ito ba ay mechanical error, pilot error o may kinalaman sa lagay ng panahon.
Sa ngayon aniya, hindi pa nila masabi kung ano talaga ang naging sanhi ng insidente, hanggat hindi pa aniya talaga nakikita ang eroplano.