-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard (PCG) para duon sa pitong mangingisda na nawawala bunsod ng nangyaring vessel collision na kinasangkutan ng cargo vessel na MV Happy Hiro at ang fishing boat na FB JOT-22 sa karagatan ng Agutaya sa Palawan nuong Sabado, May 28,2022.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo bukod sa kanilang mga barko, nagdeploy din ang PCG Aviation Force ng BN Islander aircraft para magsagawa ng aerial search.

Tumutulong na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa search and rescue operation kung saan nagdeploy ang Philippine Navy ng kanilang barko at ang Philippine Air Force ng kanilang aircraft.

Nasa ligtas na kalagayan na ngayon ang 13 mangingisda na naligtas matapos ang nasabing aksidente.

Kahapon sinundo ang mga ito ng Coast Guard vessel ang BRP Panglao at inihatid sila sa Lipata Port, Culasi, Antique at dinala sa pinakamalapit na ospital para mabigyan ng tulong medikal kahapon.

Kinilala ang mga naligtas na mangingisda na sina: Donde Petiero, 38-anyos, Roderico Mata, 31; Randy Mata, 36; Renie Espinosa, 38; Mario Quezon, 24; Sammuel Ducay, 40; Rendil Dela Peña, 42; Martin Flores Jr., 58; Jupiter Jbañiez, 38; Andring Pasicaran, 43; Jonel Mata, 30; Joemar Pahid, 32 at Arjay Barsaga, 36.