-- Advertisements --

cessna2

Muling nagkasa ngayong umaga ng search and rescue operation ang pinagsanig na pwersa ng Municipal Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Energy Development Corporation para sa nawawalang Cessna plane.

Itinigil kasi kagabi ang operasyon dahil madilim na sa lugar at masamang panahon bunsod ng malakas na pag-ulan sa Camalig, Albay.

Isa rin dito na nasa loob na ng danger zone ang lugar at malapit na sa tuktok ng bulkang Mayon.

Bitbit ng team, ang drones, thermal camera at rescue dogs para mabilis na matukoy ang lokasyon ng nawawalang eroplano.

Ayon naman kay Camalig Mayor Caloy Baldo, inokupa ng search and rescue team ng Camalig ang command post ng forest ranger sa lugar.

Sa command post, naka-deploy ang mga responders na binubuo ng mga tauhan ng Municipal Health Office ng Camalig, Civil Aviation Authority of the Philippines, LGU-Guinobatan, Philippine Army, at Provincial Government ng Albay.

Sinabi Mayor Baldo, matarik ang lugar, malamig at maulan kaya’t payo niya sa team na mag-doble ingat at ang tanging aakyat patungo sa lokasyon ay ang may alam sa hiking.

Halos 23 na oras na ang nakakalipas mula nang mawalan ng kontak ang Cessna plane nang lumipad ito, mula Bicol International Airport, patungong Maynila.

Nakilala naaman ang piloto ng Cessna plane na si Capt. Rufino James Crisostomo Jr., Mechanic Joel Martin at dalawang pasahero na sina Simon Chipperfield at Karthi Santanan, pawang Australian national.

Sa kabilang dako, sinabi ng CAAP na nakikipag-unayan na ang mga ito sa ibang concerned agencies tulad ng lokal na pamahaalaan ng Camalig, Philippine Air Force Philippine Coast Guard, Office of Civil Defense maging ang NDRRMC para sa agarang search and rescue operation sa naturang eroplano.

Samantala, nakatakda namang tumungo ang opisyal ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) ng CAAP upang tumulong sa naturang insidente.