ILOILO CITY -Sinampahan na ng kaso ang scammer na nagpakilala at gumamit ng pangalan ni Iloilo 5th District Board Member Atty. Carol-V Espinosa-Diaz.
Ang arestado ay si Wardee Canillo, residente ng Concepcion, Iloilo City Proper at nagpakilalang Chief of staff sa opisina ni Board Member Espinosa-Diaz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Board Member Espinosa-Diaz, sinabi nito na naniningil si Canillo ng P30.00 para sa documentary fee at P5,000 para sa ‘Pabahay’ sa Estancia, Iloilo.
Ayon sa opisyal ,nasa 300 katao ang na-scam ni Canillo sa Estancia, Iloilo.
Si Canillo ay inaresto sa entrapment operation ng Estancia Municipal Police Station sa pangunguna ng hepe na si Police Major Aldren Lamera.
Nilinaw naman ni Espinosa-Diaz na hindi konektado sa kanilang opisina si Canillo.
Si Canillo ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o Estafa at Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority.










