Pinagmumulta ngayon ng Supreme Court (SC) ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at mga water concessionaire na Maynilad at Manila Water.
Ito ay dahil sa hindi raw pagsunod ng MWSS, Maynilad at Manila Water sa Clean Water Act.
Sa botong 14-0, pinagtibay ng SC ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) at ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon ng MWSS, Maynilad at Manila Water.
Iniutos ng Korte Suprema na magbayad ang Maynilad at MWSS ng kabuuang halaga na higit P921 million.
Kaparehong halaga rin ang dapat bayaran ng Manila Water Company base sa desisyon ng Korte Suprema.
Kinakailangan umanong bayaran ng mga petitioner ang multa sa loob ng 15 araw magmula sa araw na matanggap nila ang kopya ng desisyon.
Magmula rin sa araw na matanggap ang kopya ng desisyon hanggang makapagbayad nang buo o ang mga petitoner sa kanilang pananagutan, sila ay pinagbabayad din ng kargdagang P322,000 kada araw.
Ang halagang ito ay madaragdagan pa ng 10 percent kada dalawang taon alinsunod sa itinatakda ng Clean Water Act.
Nagpataw pa ang korte ng karagdagang six percent sa multa kada taon hanggang sa ang mga petitioner ay makatalima nang buo.
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Ramon Paul Hernando.
Ang kaso ay nag-ugat sa ipinataw na parusa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Pollution Adjudication Board noong 2009.
Ito ay dahil sa kabiguan umano ng mga petitioner na magkaroon at magmantine ng wastewater treatment facilities.