Kinansela ng Supreme Court of the Philippines ang tradisyunal nitong summer session sa Baguio City ngayong 2026 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na kaugnay ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa Korte Suprema, bahagi ito ng energy conservation measures sa ilalim ng Memorandum Circular No. 02-2026, kasunod ng naunang pagpapatupad ng hybrid work setup sa hudikatura upang makatipid sa enerhiya.
Inanunsyo ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo ang desisyon matapos ang konsultasyon sa En Banc, at iginiit ang pangangailangang manatiling epektibo ang paghahatid ng hustisya sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon sa bansa.
Ang Baguio summer sessions ay tradisyong nagsimula pa noong 1948 sa ilalim ni former Chief Justice Manuel Moran.
Sa halip, ililipat ang sessions sa Manila mula Abril 6 hanggang 30, kung saan isasagawa rin ang oral arguments sa mahahalagang petisyon gaya ng 2024–2026 General Appropriations Act at usapin ng foreign divorce.
Nilinaw ng SC na pansamantala lamang ang hakbang at maaari pa ring ibalik ang mga special session sa Baguio kapag bumalik na sa normal ang kondisyon. (Report by Bombo Jai)
















