BAGUIO CITY – Matutunghayan sa inaabangang “Christmas ed Kapangan” ang sayote harvesting at iba pang mga bagong aktibidad sa pagdiriwang ng bayan ng Kapangan sa lalawigan ng Benguet.
Ayon kay Mayor Manny Fermin, isasagawa ang sayote picking sa Barangay Sagubo kung saan matatagpuan ang malawak na taniman ng sayote.
Sinabi ng alkalde na sa pamamagitan ng aktibidad ay mararanasan ng mga turista ang mag-ani o mamitas ng sayote kasama ang mga lokal na magsasaka.
Maliban sa sayote picking ay isasagawa din ang 3 hours trekking sa tanyag na Badi Falls kung saan matatanaw ang magandang tanawin ng Kapangan.
Mabubuksan din ang Dangwa Cave at Bulinsek Cave para sa mga makikibahagi sa selebrasyon.
Sa kabila ng mga bagong aktibidad ay mararanasan pa rin ng mga bisita ang mga dating bahagi ng “Christmas ed Kapangan” tulan ng camping at swimming sa mga lugar na ipinagmamalaki ng Kapangan, Benguet.
Ang sayote ay isa lamang sa mga pangunahing produkto ng Benguet na ibinebenta sa iba’t-ibang panig ng bansa.