Nilinaw ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na maari namang mag-apply ang mga sari-sari stores ng authorization mula sa Food and Drugs Administration (FDA) para makapagbenta ng mga gamot.
Sagot ito ni Año sa harap ng mga apela ng publiko na payagan ang mga sari-sari stores na magbenta ng over-the-counter (OTC) na mga gamot, pero huwag lamang ang mga nangangailangan ng reseta mula sa mga doktor.
Sa oras na mabigyan ng authorization ng FDA ang isang sari-sari store ay saka pa lamang maaring ito magbenta ng mga gamot.
Kahapon, Pebrero 17, inanunsyo ng Department of Interior and Local Government (DILG) aatasan nila ang mga local government units na maglabas ng memorandum para sa crackdown nang pabebenta ng mga gamot sa mga sari-sari stores pati na rin ang paghabol sa mga nagbebenta rin ng mga pekeng gamot.
Inatasan na rin ng kagawaran ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang mga lalabag dito.
Nabatid na sa ilalim ng Section 30 ng Republic Act No. 10918 o mas kilala bilang Philippine Pharmacy Act, tanging ang mga retail drug outlets o pharmacies na lisensyado ng FDA ang maari lamang magbenta ng mga gamot sa consuming public.