Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mayroong sapat na suplay ng isda para sa Holy week ngayong Marso.
Siniguro din ni BFAR chief information officer Nazzer Briguera na mayroong sapat na suplay ng isda na ibebenta sa mga wet markets dahil peak na ng fishing season.
Pinawi din ng opsiyal ang pangamba kaugnay sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga isda.
Aniya, ang presyo ng mga isda ay bumaba ngayong buwan kung saan ang kada kilo ng galunggong ay mabibili ng P60 hanggang P70.
Ang kasalukuyang retail price naman ng bangus ay naglalaro sa P150 hanggang P220 kada kilo depende sa size nito habang ang tilapia naman ay ibinibenta sa presyong P120 hanggang P160 kada kilo.
Samantala, ang presyo ng tuna kada kilo ay bahagyang nagmahal na nasa P200 hanggang P260.
Ang Holy week nga ngayong 2024 ay nataon sa huling linggo ng Marso kung saan inaasahang tataas ang demand para sa mga seafood lalo na sa mga mananampalatayang Katoliko dahil inoobserbahan ang fasting o pag-iwas muna sa pagkain ng karne.