Tiniyak ng Office of the Civil Defense na mayroong sapat na suplay ng pagkain at tubig para sa mga residenteng inilikas dahil sa pag-alburuto ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay.
Sa katunayan, nagpadala na ang Office of Civil Defense (OCD) ng water filtration units sa lalawigan ng Albay para matugunan ang napaulat na kakulangan sa maiinom na tubig ng mga evacuee.
Ayon kay OCD joint information unit head Diego Agustin Mariano, nakipag-ugnayan na ang ahensiya sa regional office sa Bicol (OCD-5) para matukoy at matugunan ang pangangailangan ng mga inilikas na residente.
Una rito, base sa reports na natanggap ng bombo radyo, inirereklamo ng mga evacuees sa Legazpi, Albay ang kawalan ng maiinom na tubig, malinis na palikuran, at kuryente sa ilang evacuation centers.
Inireklamo rin umano nila ang kawalan ng maayos na bentilasyon dahil puno ng mga tolda ang mga evacuation centers.
Sinabi naman ng OCD official na nakahanda silang mag-augment kung ano ang mga kailangan ng mga apektadong residente katuwang ang OCD region 5 para matugunan ang mga reklamo.
Base sa situational report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may kabuuang 3,538 pamilya o 12,804 na indibidwal ang inilikas na dahil sa pag-alburuto ng bulkang Mayon.
Kabuuang P6,934,050 halaga ng family food packs naman gaya ng bottled water, family tents, hygiene kits at iba pang tulong ang naibigay na sa mga evacuees.