Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng pagkain sa Metro Manila ngayong naka-amba ang pagpapatuad ng malawakang community quarantine dahil sa COVID-19.
Katunayan, sobra pa raw ang supply sa National Capital Region (NCR) at kaya pang umabot ng hanggang sa mga susunod na buwan ayon kay Agriculture Sec. William Dar.
“There is enough food supply that you can buy during this time of health emergency. The DA will continue to enhance its catalitic role and even intervening in terms of putting up more Kadiwa areas, in tandem with the local government units in Metro Manila,” ayon sa kalihim.
Sa bigas, tinatayang may higit 55,000 metric ton na supply ngayon mula sa NFA. May naka-handa ring halos 1-million metric ton na galing sa Region 2 at Region 3.
“For our basic staple, rice, the current inventory at various NFA warehouses nationwide is good for at least 80 days, and it will be further augmented by the incoming palay harvest this current dry season, providing additional stocks for another two to three months,” dagdag ni Dar sa isang statement.
Sapat para tugunan ang tinatayang higit 26,000-metric ton na demand sa NCR kada linggo.
“Together with the rice stocks held by the private sector and households, we will have a 35-week rice supply, which means this is good for at least nine months.”
Ganito rin ang tantsa ng DA sa iba pang commodities gaya ng gulay, karne, isda, itlog at asukal.
Kapag ipinatupad na sa Linggo ang community quarantine, lilimitahan ang pagpasok sa Metro Manila ng mga manggagaling sa labas ng rehiyon.
Pero siniguro ng kalihim na maluwag na makakapasok ang mga cargo na magdadala ng supply ng pagkain papasok ng NCR.
Kailangan lang daw na isailalim sa body temperature scan ang mga maghahatid ng supply.
“They will be coming in as normal as it has been. Now if there will be problems, we will work this out with police and military authorities.”
Sa ngayon supply ng bawang lang daw ang apektado ng COVID-19 dahil sa China ito inaangkat ng Pilipinas.
Isinasapinal pa ng DA ang binalangkas nitong aktwal na food resiliency action plan, kung saan nakapaloob ang hiling na magpatupad ng food lanes sa mga entry at exit points ng NCR.
Hiling lang sana ng kalihim sa publiko, na huwag ubusin ang mga produkto sa pamilihan.
“Nakikiusap kami sa lahat ng traders (na) huwag magsamantala at this point in time. Don’t hoard too much food.”