NAGA CITY – Nilinaw mismo ng alkalde sa Minalabac na matagal na umanong nadismis sa korte ang reklamo laban kay Kapitan Allan Nevales ng Barangay Bagongbong ng nasabing bayan.
Ito’y matapos na mapabilang muli si Nevales sa listahan ng mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang latest national address.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Minalabac Mayor Christoper Lizardo, sinabi nito na nakatugon na si Nevales sa itinakdang araw upang sagutin ang mga paratang ukol sa maanomalyang SAP (Social Amelioration Program) distribution.
Dahil dito, tuluyan na rin naman aniyang nagdesisyon ang korte na ipawalang-bisa ang reklamo laban sa dating opisyal.
Samantala, naniniwala si Lizardo na posibleng hindi pa natatanggap ng pangulo ang desisyon ng korte sa pagbasura sa kaso ng punong barangay kaya napabilang pa rin ito sa mga tinukoy.
Una rito, Disyembre nang sumulat na aniya si Nevales sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang hilingin ang pag-re-instate dito matapos masuspinde sa tungkulin.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng dating opisyal ang tugon at ang kaukulang direktiba ng DILG national office hinggil sa kahilingan makabalik muli sa serbisyo.









