-- Advertisements --

Pinawi ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang pangamba ng mga empleyado ng Research Institute of Tropical Medicine na mawawalan sila ng trabaho oras na maisabatas at maitatag ang Center for Disease Control.

Sinabi ni Salceda na isa sa mga pangunahing may akda ng panukala para sa CDC, walang magaganap na abolition o pagbuwag sa RITM at wala ring layoff o tanggalan ng trabaho.

Isa sa maaaring mangyari ay malipat sa ibang unit ng CDC ang empleyado ngunit walang job reduction.

Paliwanag ng mambabatas, mananatili ang RITM bilang research center na mayroong ospital, testing center at central reference laboratory sa ilalim ng CDC.

Pagtitiyak pa ng kongresista na hindi aalisan ng pondo ang RITM dahil lamang sa itatayong bagong ahensya.

Sa ngayon, kapwa aprudabo na sa House Committee on Health, Ways and Means at Appropriations ang panukalang CDC at nakatakda nang talakayin sa plenaryo.