Sinabihan ni Albay Rep. Joey Salceda ang ginawang pagbasura ng Senado sa People’s Initiative upang maamyendahan ang 1987 Constitution.
Sa panayam kay Salceda, kaniyang sinabi na hindi dapat katakutan ng mga senador ang taumbayan kundi dapat pakinggan nila ang opinyon nito kaugnay ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sinabi ni Salceda na panahon na upang pakinggan ng mga senador ang boses ng taumbayan kaugnay ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
Aniya hindi naman lagi nalang na pakinggan ang mga senador at congressman, dapat bigyan din ng tiyansa ang boses ng tao.
Lumagda ang 24 senador sa isang manifesto kung saan kinokondena ng mga ito ang People’s Initiative o ang pangangalap ng lagda kinakailangang lagda para makapagpatawag ang Commission on Elections ng isang plebisito para tanungin ang boses ng mga botante kung pabor ang mga ito na amyendahan ang Saligang Batas.
Nagpahayag din ng pagtataka si Salceda kung bakit hinaharang ng mga senador ang opinyon ng publiko sa halip na himukin ang mga ito na bumoto ng no sa panawagan na amyendahan ang Konstitusyon.
Ibinasura rin ni Salceda ang mga alegasyon ng panunuhol at iba pang iligal na gawain upang makakuha ng pirma.
















