-- Advertisements --

Ginambala lamang ng National Telecommunications Commission (NTC) ang trabaho ng Kongreso matapos na maglabas ang naturang ahensya ng cease and desist order laban sa ABS-CBN, ayon sa isang kongresista.

Sinabi ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, pinangunahan sila ng NTC sa franchise renewal application ng Lopez-led broadcast company.

Abala pa aniya sa ngayon ang Kongreso sa pagtalakay ng iba pang mahahalagang usapin tulad na ng pagbuo ng economic recovery plan sa COVID-19 crisis kaya nabago ang kanilang prayoridad.

Subalit hindi naman aniya nangangahulugan na inaabandona na rin nila ang diskusyon sa prangkisa ng ABS-CBN.

“Amid the Covid Crisis and heightened economic uncertainty, Business confidence is very low. Let’s not rock the boat when the waves are tough, especially when all of us are in that boat,” ani Salceda.

Sinabi ng kongresista na ang dapat na ginawa ng NTC ay pinanindigan ang commitment sa Kongreso na papayagan ang ABS-CBN na makapag-operate habang pending pa ang franchise renewal application.

Magsisibli na aniyang babala sa Kongreso ang naging hakbang ng NTC na kapag hindi kikilos ang mga mambabatas nariyan ang ehekutibo para gawin ang trabaho nito para punuan ang aniya’y “power gap.”