-- Advertisements --

Binigyan diin ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na mayroong sapat na ligal at economic na basehan ang barter trade sa bansa.

Paalala ito ni Salceda matapos na pagdiskitahan kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang online barter.

Iginiit ni Salceda na ang barter trade ay kinikilala sa ilalim ng Civil Code of the Philippines, at ito rin ay sakop ng probisyon sa pagbebenta o kalakalan.

Maging ang Executive Order 64 ay nagsasabi rin aniya na pinapayagang gawing online ang barter trade.

Sa ilalim ng barter system, pinapayagan ang palitan ng produkto sa produkto at hindi kinakailangang pera ang pambayad.

Kaya sa halip aniya na pagdiskitahan ang sistemang ito, mas mainam aniya na tutukan na lamang ng DTI ang galaw ng presyo ng mga bilihin.

Bukod dito, inirekominda rin ni Salceda sa DTI na ituon na lamang ang atensyon sa pagbibigay suporta sa mga negosyo.