-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni House Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang mga economic managers ng gobyerno na pakatutukan nito ang presyo ng bigas dahil ito ang susi para labanan ang pagtaas sa presyo ng mga commodities.

Ito’y kasunod sa naitalang 3.7 percent inflation para sa buwan ng Marso mula sa 3.4 percent na naitala para sa buwan ng Pebrero.

Dahil dito naniniwala si Salceda na sa bigas pa rin dapat ibuhos ang “gameplan” ng gobyerno upang tugunan ang bumibilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa isang statement, sinabi ni Salceda na 57 percent ng total inflation noong nakaraang buwan ay dulot ng food inflation.

Ayon sa ekonomistang mambabatas, kung hindi aniya nagkaroon ng problema sa presyuhan ng bigas sa global market, nasa 3.1 percent lamang ang inflation rate ng Pilipinas lalo’t bumababa na ang halaga ng mais, isda, gulay at asukal.

Sinabi ng Kongresista na naging agresibo ngayon si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel sa distribusyon ng rice production kung saan naabot na ang 92 percent ng target para sa makinarya.

Nasa P12 billion na rice farmer financial assistance ang ibibigay ng gobyerno ay matatapos na sa buwan ng Hunyo.

Aminado si Salceda na malaking banta sa inflation ang nararanasang El Nino lalo at ang bigas ang pangunahing nangangailangan ng irigasyon.

Dagdag pa ni Salceda na mahalaga na makapag ipon ng tubig dahil ang mga magsasaka na mayruong on-farm reservoir systems ay nakakatiis sa epekto ng El Nino.