Tinanong ni House Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang National Food Authority (NFA) at maging ang Commission on Audit kung saan napunta ang P152 billion NFA cash na kanilang tatanggapin bilang inflows mula 2018 hanggang 2022 sa pamamagitan ng management audit ng isang kontrobersiyal na government corporation.
Naniniwala si Salceda na makakamit pa rin ang “bente pesos” na kada kilo ng bigas, kung magiging malinis lamang ang National Food Authority o NFA.
Ayon kay Salceda, suportado niya ang mga hakbang ni Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. para maisa-ayos ang NFA at matugunan ang matatagal nang depekto rito.
Inihayag ng ekonomistang mambabatas na ang tanging paraan para matupad ang bente pesos para sa bawat kilo ng bigas ay sa pamamagitan ng isang malinis na NFA nang hindi nakompromiso ang pananalapi ng bansa.
Matatandaan na ang bente pesos na bigas ay isa sa campaign promise ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. noong Eleksyon 2022.
Ang NFA naman ay nababalot ngayon sa kontrobersiya dahil sa kwestyonableng bentahan ng bigas sa ilang traders nang walang bidding at sa paluging halaga.
Nasa mahigit 100 opisyal at tauhan ng NFA ay pinatawan ng suspensyon ng Office of the Ombudsman.
Sa kabilang dako, hiling naman ni Salceda sa agricultural house panel na huwag limitahan ang imbestigasyon sa 75,000 sako ng buffer stock na bigas na ibinenta sa mga piling rice traders na nagkakahalaga ng P93 million.
Nais ni Salceda na kasama din na imbestigahan ang management performance ng NFA mula 2019 hanggang 2023.