-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Isang sakit ang umaatake sa mga tanim na kamoteng kahoy sa ikalawang rehiyon na tiyak na makakaapekto sa produksiyon ng mga magsasaka.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Senior Science Specialist Minda Flor Aquino ng Department of Agriculture (DA) region 2 na ang validated na apektado ng Cassava Phyto-plasma Disease o Witches’ Broom ay 440 hectares na taniman ng kamoteng kahoy sa Isabela at lalawigan ng Quirino hanggang noong June 5.

Inaasahang bababa ang production at source ng planting meterials dahil sa nasabing sakit.

Pinayuhan ni Aquino ang mga nagtatanim na piliin nila ang mga punlang kamoteng kahoy na malusog upang hindi magkasakit sa mga susunod na panahon.

Ayon kay Aquino na nagkahawaan ang sakit ng mga kamoteng kahoy dahil sa mga itinatanim.

Dapat ang itatanim na kamoteng kahoy ay may tree planting treatment.

Aniya, nagsimula sa nabanggit na mga lalawigan ang ganitong sakit sa pananim na kamoteng kahoy taong 2015-2016 at mula noon ay nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng information drive sa mga magsasaka at pinayuhan na bunutin agad ang mga pananim na kamoteng kahoy kung mapansin na tinamaan na ito ng sakit.

Nagbibigay na ng pabatid ang DA Region 2 ukol sa mga peste at sakit ng pananim at lingguhang pag-uulat sa mga magsasaka.

Bukod sa sakit ng kamoteng kahoy ay pinagtutuunan din nila ang fall army worm na mataas ang infestation kapag walang ulan.