-- Advertisements --

Tatanggap na ngayon ng dobleng suweldo kada buwan ang mga barangay health workers sa Taguig na patuloy na magbibigay ng serbisyong medikal sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa Coronavirus virus disease 2019 (COVID-19).

Ito ay matapos i-promote ang mga ito ni Taguig City Mayor Lino Cayetano mula sa pagiging volunteer sa pagiging job order personnels na epektibo noong Abril 1.

Mula sa dating P3,000 ay tatanggap na sila ngayon ng P7,900.

Ang mga tumatanggap naman ng P4,000 ay magigig P8,500 na, habang ang dating P5,000 ay tatanggap na ng P9,700.

Maliban sa dagdag sahod, maaari rin silang magkaroon ng P15,000 kada taon bilang incentive batay sa kanilang performance.

Ayon kay Cayetano, ang salary increase na ito ay bilang pasasalamat sa mga frontliners na walang pagod na nagseserbisyo upang masiguro na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga residente.

Ang mga barangay health workers kasi umano ang unang humaharap sa mga taong nangangailangan ng medical assistance mula sa TeleMedicine ng lungsod haanggang sa pagbabahay bahay sa mga residente para maghatid ng mga gamot.

Ang lungsod ng Taguig sa kasalukuyan ay ang may pinakamaraming bilang ng barangay health workers sa buong Metro Manila na aabot sa 854.