Malinaw na ang panalo para manatili sa kaniyang pwesto si Russian President Vladimir Putin hanggang sa susunod na dalawang dekada.
Ito’y kasabay na rin nang pagpapanatili ng mga Russians sa political status quo ng kanilang bansa.
Ayon sa Central Election Commission ng Russia, nasa 77% ng mamamayan sa nasabing bansa ang bumoto para pagbabago ng kanilang konstitusyon.
Ibig sabihin lamang nito ay suportado rin ng mga botante ang pagpapalawig ni Putin ng kaniyang termino bilang pangulo ng Russia hanggang 2036 na orihinal sanang magtatapos sa 2024.
Hindi naman pinaniniwalaan ni Russian opposition figure at prominent Kremlin critic na si Alexey Navalny ang official result ng botohan.
Isang malaking kasinungalingan aniya ang inilabas ng ahensya dahil hindi raw ito ang tunay na sumasalamin sa opinion ng karamihan ng Russian citizens.
Magugunita noong Marso nang ipasa ng Kremlin-controlled Duma sa ikatlong pagbasa ang naturang amyenda. Sa botong 383-0 kung saan 43 ang nag-abstain ay tuluyan nang natanggal ang constitutional barrier ng 67-anyos na presidente.