Dulot ng tumataas na tensiyon sa kanlurang bahagi ng Ukraine, ipinaalam ng Russian energy giant Gazprom sa state-run gas firm ng Poland na PGNiG na sususpendihin na nito ang gas supply sa Yamal pipeline simula Miyerkules ng umaga.
Noong Abril 26, ipinaalam ng Gazprom sa PGNiG ang intensyon nitong ganap na suspindihin ang mga delivery sa ilalim ng kontrata ng Yamal sa simula Abril 27.
Samantala,hindi pa kinumpirma ng Gazprom na ang supply ng gas ng Russia sa Poland ay nahinto.
Gayunpaman, binigyang diin ni Gazprom spokesperson Segey Kupriyanov na ang Poland ay dapat magbayad para sa Russian gas supplies sa rubles, ang demand na tinanggihan ng Warsaw .
Nauna nang nagbigay ng ultimatum ang Russia noong nakaraang buwan sa mga “unfriendly” nations dapat nilang bayaran ang kanilang enerhiya sa rubles simula Abril 1 upang hindi maputol ang kanilang suplay.
Sinabi naman ng PGNiG na handa itong kumuha ng gas mula sa iba’t ibang direksyon, kabilang ang sa pamamagitan ng mga koneksyon ng gas sa kanluran at timog na mga hangganan nito at ang liquefied natural gas terminal (LNG) sa hilagang-kanlurang daungan ng Swinoujscie ( Shveenow-Oo-wesh-cha).
Sinabi rin nito na halos 80% na puno ang underground gas storage nito.