Pinoproseso na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang petisyon para sa pagtataas ng sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region ayon sa DOLE.
Sa isang statement, sinabi ni DOLE-NCR Regional Director Sara Buena Mirasol na nag-isyu ng isang resolution ang RTWPB para i-consolidate nag tatlong wage hike petitions na natanggap ng board na umaapela para sa P213 hanggang P250 taas sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Isa na dito ang petisyon na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong November 25, 2019 na nagpanukala ng P213 wage increase gayundin ang Metro East Labor Federation (MELF) noong March 4 at Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER) na nagpanukala ng P213 hanggangP250 wage increase.
Aniya, nakatakdang magsagawa ng konsultasyon ang board sa labor sector sa araw ng Biyernes, Abril 8 at sa Abril 19 naman sa mga grupo ng employers pagkatapos ay magiisyu ng notice of public hearing para imbitahan ang labor at employers sector at kanilang mga organisasyon.
Sa kabila naman ng pagbasura sa petisyon ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa apelang across the board wage adjustment na P470 kada araw, nagsumite ng panibagong petisyon ang grupo sa parehong halaga pero hindi na across the board.
Posible naman aniyang talakayin ang panibagong petisyon na ito sa susunod na pagpupulong ng board.