Hinihintay na lamang daw ng gobyerno ng Pilipinas na maging matagumpay ang ginagawang antigen pilot testing para palakasin pa ang lokal na turismo sa bansa na lubhang naapektuhan ng coronavirus pandemic.
Ang antigen testing ay mas mura at mas mabilis na alternatibo sa RT-PCR testing. Sa ngayon ay ginagawa ang pilot run sa Baguio City na kamakailan lamang ay muling binuksan para sa publiko na nagnanais bisitahin ang tinaguriang “City of Pines”.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, kung magiging tagumpay ang antigen testing ay mas mapapabili ang turismo ng bansa.
May ilan kasing nakapansin na kakaunti lamang ang mga tao na nagtutungo sa mga kilalang tourist spots sa bansa, tulad ng Baguio at Boracay, ilang buwan matapos ipatupad ang nationwide lockdown.
Una nang nagpahayag ng suporta si Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa antigen test dahil ilang minuto lamang ang hihintayin upang makuha ang resulta nito, kumpara sa RT-PCR.
Umaasa naman si Roque na sa lalong mabilis na panahon ay mapabilis pa ang pilot testing nang sa gayon ay lahat ng lugar sa Pilipinas ay puwede na ring simulan ang paggamit ng antigen test.
Samantala, nananatili aniyang “under control” ang sitwasyon sa Baguio kahit pa lumabas ang mga impormasyon na bigla raw tumaas ang COVID-19 cases sa lungsod.










