May sapat na bilang ng boto na umano si Leyte Rep. Martin Romualdez para manalo sa speakership race.
Sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na personal niyang nakita ang manifesto of support para kay Romualdez.
Sa naturang dokumento, sinabi ni Defensor na 167 kongresista mula sa iba’t ibang political parties at blocs na ang nagpahayag ng kanilang suporta para kay Romualdez para maging speaker ng Kamara sa 18th Congress.
“An initial list of 80 congressmen was shown to the President last month, but the number have grown to 167 as of the moment,” ani Defensor.
Dahil sa lumaki ang bilang na mayroon ngayon si Romualdez, kumbensido si Albay Rep. Joey Salceda na maraming mga kapwa nila mambabatas ang nagnanais na magkaroon ng “overwhelming victory” ang nauna sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo 22.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Defensor na bagama’t tahimik at dumidistansya pa rin sa ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa speakership race, kalaunan aniya ay magbabago ito ng posisyon at i-endorso si Romualdez sa oras na makita nito ang final tally ng manifesto of support.