Mariing pinabulaanan ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang mga akusasyong nag-uugnay kay dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa anumang anomalya matapos linawin ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na wala silang nakitang basehan para idiin ang mambabatas.
Ayon kay Acidre, mismong ang referral na nilagdaan ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes ang nagsasaad na walang anumang “finding or conclusion of guilt” laban kay Romualdez, kabaligtaran sa ipinapakalat na ulat ni Navotas Rep. Toby Tiangco.
“The ICI referral itself, signed by retired Supreme Court Justice Andres Reyes, explicitly states: ‘This referral is issued without any finding or conclusion of guilt or liability on the part of Former Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. That is not interpretation. That is the Commission’s own language,” pahayag ni Acidre.
Binweltahan din ni Acidre si Tiangco sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon na ginamit ang mga ayuda gaya ng AICS, AKAP, at TUPAD para “suhulan” ang mga mambabatas na lumagda sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Giit ni Acidre, seryosong ebidensya at hindi “tsismis” ang kailangan sa ganitong mga akusasyon, sabay hamon kay Tiangco na pangalanan ang mga sinasabing nasuhulan at maghain ng reklamo sa ilalim ng sinumpaang salaysay.
Iginiit ng mambabatas na ang pagpirma sa impeachment ay base sa mga dokumento at testimonya, at hindi dahil sa anumang pangako ng proyekto o pondo.
Babala ni Acidre, ang pagpapakalat ng disinformation ay naglalayong sirain lamang ang integridad ng Kamara at hiling niya na itigil na ang paggawa ng mga kuwentong walang matibay na patunay.














