-- Advertisements --

Patuloy na kikilalanin ng Philippine Olympic Committee (POC) si Congressman-elect Alan Peter Cayetano bilang chairman ng ad hoc committee para sa hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games.

Sinabi ni Joey Romasanta, ang bagong talagang POC president, na alinsunbod na rin sa pagkakatalaga sa kanya ni dating POC president Peping Cojuangco, nananatiling head ng organizing body si Cayetano.

Subalit, binigyan diin ng POC na ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ay dapat na mag-function bilang komite lamang sa ilalim ng Olympic council rule, at hindi bilang Phisgoc Foundation, Inc.

Makailang ulit nang sinabi ng POC na ang Phisgoc Foundation ay “different body” naman sa PHISGOC, wala raw itong approval ng POC Board.

Sa isang pulong balitaan noong Huwebes, sinabi ni Cayetano na hindi wasto ang sinasabi ng POC.

Ayon kasi sa POC, bagamat hindi incorporator si Cayetano ng Phisgoc Foundation, ang mga miyembro naman daw ng inner circle nito ay pawang bagahi ng naturang foundation.

Sinabi ng POC na ang Phisgoc Foundation ang nag-take over sa functions na sila dapat ang gumagawa, at gumawa rin ng mga desisyon sa sarili nito kahit walang approval ng POC Board.

Kabilang na anila rito ay ang pagbuo ng official logo ng Southeast Asian Games, theme, mascot, at iba pang marketing collaterals.

Dahil dito, sinabi ni Romasanta na makikipagpulong siya kay Cayetano sa mga susunod na araw para pag-usapan ang mga paghahanda para sa SEA Games.

“With that, I am seeking a one-on-one meeting with him before forming a tripartite agreement with him and (Philippine Sports Commission) chairman Butch Ramirez,” ani Romasanta.