
Inaasahang makakahinga ng bahagya ang mga motorista sa susunod na linggo dahil sa inaasahang roll back sa presyo ng mga produktong petrolyo ayon sa sources mula sa kompaniya ng langis sa bansa.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na base kasi sa apat na araw na monitoring sa international oil market, magkakaroon ng roll back sa presyo ng gasolina at diesel.
Posibleng magkaroon ng rollback na P0.40 hanggang P0.60 kada litro sa presyo ng diesel.
Sa presyo naman ng gasolina, posibleng magkaroon ng kaltas na P1.30 hanggang P1.50 kada litro.
Ayon naman sa DOE official na maaaring hindi magkaroon ng paggalaw sa presyo ng kerosene pero nakadepende pa rin ito sa huling trading ngayong araw.
Ang inaasahang rollback sa presyo ng gasolina at diesel ay iniuugnay sa himihigpit na monetary policy sa Amerika kasabay ng pagtaas ng interest rates na maaaring magpabagal sa growth at oil consumption at pangamba ng paglakas ng dolyar na makakaapekto sa pandaigdigang demand sa langis.
Kadalasang inaanunsiyo ng mga kompaniya ng langis ang price adjustments sa araw ng Lunes at ipapatupad sa araw ng Martes.










