-- Advertisements --

Mariing tinutulan ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang panawagan na ipagpaliban hanggang 2022 ang itinutulak na mga amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Naniniwala si Rodriguez na ang kasalukuyang taon ang siyang pinakamagandang panahon para aprubahan ang Resolution of Both Houses No. 2, na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congress, para isingit ang pariralang “unless otherwise provided by law” sa anila’y “restrictive” na economic provisions ng Saligang Batas.

Nangangahulugan lamang ito na mananatili pa rin aniya ang mga umiiral na limitasyon pero magkakaroon naman ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga ito para payagan ang participation ng mga foreign investors sa pagnenegosyo sa bansa sa panahon na kailanganin ito ng sitwasyon.

Sinabi ni Rodriguez, na dating chairman ng House Committee on Constitutional Amendement, na kapag aprubahan ng Kamara at Senado ang proposal ni Velasco at maratipikahan ito sa isang plebesito kasabay ng May 2022 elections, magkakaroon na ng kapangyarihan ang Kongreso sa susunod na taon na baguhin ang restrictions na ito para makapaghikayat nang mas maraming foreign investments.

Tinukoy ng kongresista na dahil sa malubhang pagbulusok nang ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic, maraming ekonomista ang nagsasabi na magsisimula lamang na makabangon talaga ang Pilipinas sa susunod na taon o sa 2023.

Nauna nang sinabi ni Sen. Franklin Drilon na hindi siya tutol sa economic Charter change, pero wala na aniyang sapat na panahon ang Kongreso para talakayin ito, kaya naman dapat na ipaubaya na lamang ang usapin na ito sa susunod na Kongreso, na ihahalal naman sa Mayo 2022 at magko-convene sa Hulyo ng susunod na taon.

Pero para kay Rodriguez, mayroong sapat na panahon para sa dalawang kapulungan ng Kongreso para asikasuhin ang aniya’y simple lang naman na amendment proposal ni Velasco sa Saligang Batas.