Hiniling ng nagsisilbing legal counsel para sa House of Representatives na si Solicitor General Darlene Marie Berberabe sa Korte Suprema na ibasura ang petisyong inihain ni Vice Presidente Sara Duterte kaugnay ng pagpapatuloy ng impeachment hearings sa Mababang Kapulungan.
Sa kanyang isinumiteng komento noong Abril 23, sinabi ni Berberabe na may kakulangan sa proseso at walang sapat na basehan ang petisyon ni VP Sara, pati na ang kaugnay na petisyon ni Atty. Israelito Torreon.
Hiniling din niya na tanggihan ang lahat ng kahilingan para sa injunctive relief, kabilang ang temporary restraining order (TRO) sa mga pagdinig.
Iginiit ng Solicitor General na dapat hayaan ang Kamara na gampanan ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon nang walang panghihimasok, at bigyan ng pagkakataon na umusad ang impeachment process ayon sa itinakdang daloy nito.
Binigyang-diin din niya na walang naganap na grave abuse of discretion sa panig ng Kamara, at hindi rin nilabag ang karapatan ng Bise Presidente sa due process, mula sa paghahain ng kanyang sagot hanggang sa pagdalo sa mga pagdinig.
Dagdag pa rito, sinabi ni Berberabe na wala umanong batayan ang alegasyon ng double standard sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Bise Presidente.
Samantala, naghain naman ng karagdagang petisyon si Atty. Torreon noong Abril 27, na kinukuwestyon ang pagpapatuloy ng impeachment hearings kahit naka-recess ang Kongreso, at iginiit na dapat isagawa ang pananagutan ayon sa Konstitusyon.
















