-- Advertisements --

Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa paghihigpit ng Office of the Ombudsman sa release ng State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) report ng mga pampublikong kawani at opisyal.

Ayon kay Robredo, malinaw ang nakasaad sa Saligang Batas na responsibildad ng bawat kawani at opisyal ng gobyerno na maging tapat sa pinaglilingkurang publiko.

“Gustong sabihin, dapat sinusubukan natin sa araw-araw na public officer tayo na iyong tiwala sa atin ng mamamayan andiyan. Iyon iyong dahilan kung bakit ang SALN ay requirement. Kapag inalis mo, Ka Ely, iyong SALN ano bang mensahe iyong binibigay mo? Anong mensahe iyong binibigay mo sa tao, na ang korapsyon hindi priority ng pamahalaan?,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.

Sa pagdinig ng Kamara para sa 2021 budget ng anti-graft body, sinabi ni Martires na nagagamit lang sa mali at personal na interes ang pagre-release ng SALN.

Hindi rin ito kumbinsido na kayang patunayan ng mga nakasaad sa naturang dokumento kung sangkot o hindi sa katiwalian ang isang opisyal.

“Ang sinasabi, Ka Ely, na kahit naman daw mayroong—ano iyon, BMW yata iyong example hindi naman daw—hindi naman daw ito proof na nagnanakaw. Tama siguro pero ‘di ba dapat red flag ito? ‘Di ba red flag ito kasi magkano lang naman iyong suweldo namin? Magkano lang naman iyong suweldo namin as public officials, bawal naman kami magnegosyo, ‘di ba?”

Para kay Robredo, hindi man maging batayan ng korupsyon ang SALN, mahalagang dokumento pa rin ito para alamin kung tapat nga ba ang mga opisyal ng pamahalaan sa publiko.

“Ako dapat tinitingnan ito, kasi ito ang hindi siguro siya proof, pero siya ay red flag na ito ang further na iimbestigahin pa natin. Dahil iyong kaniyang yaman ay hindi commensurate sa kaniyang sweldo as a public official.”

“Parang binibigyan mo ng license iyong mga public officials na magtago ng kanilang mga yaman na hindi dapat kasi requirement iyon under the law and the Constitution.”

Bukod sa SALN, isinusulong din ni Martires ang pagpapatigil sa lifestyle check ng mga opisyal na iniimbestigahan.