Wala umanong dapat ikabahala ang pamahalaan sa ulat na ilalabas ni Vice President Leni Robredo kaugnay ng drug war.
Sagot ito ng pangalawang pangulo kasunod ng anunsyong maglalabas siya ng report matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang drug czar.
Nabatid ni Robredo ang reaksyon ng ilang opisyal ng gobyerno na tila tutol sa gagawin niyang pag-uulat sa aniya’y mga nadiskubre niya sa loob ng mahigit dalawang linggo sa posisyon.
“Hindi ko alam kung bakit ganoon iyong reaksyon. Parang sinasabi tinatakot ko sila? Bakit ko sila tatakutin, eh iisa lang ako, ang dami-dami nila?” ani Robredo.
“Iyong recommendations ko, nakabase sa mga natuklasan na patungkol sa operations ng anti-illegal drugs campaign.”
Iginiit ng bise presidente na makakatulong sa kampanya ng gobyerno ang ilalabas niyang ulat, dahil nakabase lang daw sa mga nalaman niyang impormasyon ang nabuo nitong rekomendasyon.
“Para sa ikabubuti ng kampanya. At tingin ko, na iyong mga nakatrabaho ko, alam na well-intentioned tayo, na hinahanapan natin papaano ba mapapabuti, papaano maaayos iyong mga gusot, ano iyong mga recommendations natin na baguhin sa kampanya.”
Dumipensa naman ang pangalawang pangulo laban sa alegasyon ng presidente na bigo itong gampanan ang kanyang mandato na makipagpulong sa law enforcement agencies at lokal na mag opisyal kaugnay ng drug war.
Ayon kay Robredo, magsusumite pa siya ng ikatlong report sa Palasyo pero idadaan niya muna ito sa publiko para direkta ng mapag-usapan at magawan ng solusyon.
“Para sigurado lang kami na mabasa o malaman iyong mga recommendations namin kaya sinabi ko ime-make public. Ime-make public namin kasi sayang naman kung nasa desk niya lang, hindi binabasa. Ime-make public para ma-consider iyong mga recommendations.”