Pinayuhan ni Vice President Leni Robredo ang Department of Health (DOH) na huwag solohin at humingi ng tulong sa mga ginagawang trabaho para sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Tugon ito ng pangalawang pangulo kasunod ng delayed na distribusyon ng financial assistance sa pamilya ng health frontliners na nagkasakit at namatay dahil sa coronavirus disease.
Batid daw ni Robredo ang bigat ng tungkulin na ginagawa ngayon ng DOH para lang masolusyunan ang kasalukuyang pandemic.
“Pero iyong sa akin, gawan natin ng sistema. Kung sobrang overloaded
na tayo, hingi na tayo ng tulong. Hingi na tayo ng tulong. Iyong mga pwedeng i-assign
sa private.”
Inihalimbawa ng VP Leni ang stratehiya ng kanyang tanggapan sa pakikipag-partner sa mga pribadong grupo.
Posible raw na makatulong ito sa ibang prayoridad na tungkulin ng DOH sa gitna ng pandemic.
“Sobrang bagal ng mga accreditation kasi DOH iyong nag-accredit pero baka puwedeng magpatulong na sa mga—i-accredit niyo na lang iyong mga private na puwedeng tumulong sa inyo para siguradong maayos.”
“Halimbawa dito sa data—ang daming inconsistencies sa data na naiintindihan natin. Naiintindihan natin na hindi talaga siya madaling gawin pero patulong na tayo. Kasi I am sure na marami naman iyong willing tumulong.”
Batay sa data ng DOH, 25 pamilya pa lang mula sa 32 health care workers na namatay dahil sa COVID-19 ang nabibigyan ng P1-milyong tulong pinansyal.
Sa mga naging severe at kritikal naman ang lagay, 10 cheke pa lang daw ang naihahanda ng DOH mula sa 42 nasa listahan.
“Sana huwag nilang akuin iyong lahat na responsibilities kasi talagang sila iyong lead agency ngayon kaya ako naman—ako actually, very sympathetic ako sa DOH pero tingin ko nagkukulang din sila— nagkukulang sa sistema.”










