Hinikayat ni dating senador Antonio Trillanes IV si Vice President Leni Robredo na magdesisyon na sa kanyang plano sa 2022 national elections.
Ayon kay Trillanes, chairman ng Magdalo, kailangan na ni Robredo na sagutin ang pangamba ng karamihan kung pamumunuan niya ba ang aniya’y “tunay na oposisyon” sa pagtakbo bilang presidente o ipaubaya na lang ito sa iba.
Hindi naman aniya sila nagmamadali pero hindi rin dapat nagpapahuli sa usapin ng taumbayan.
Kung maaalala, sa mga nakaraang buwan nga ay hinayaan lamang ng buong oposisyon si Robredo na pagdaanan ang kanyang masusing decision-making process.
Subalit ngayong isang linggo na lang ang nalalabi bago ang filing ng certificate of candidacy, sinabi ni Trillanes na naniniwala sila na sapat na panahon na ang nagdaan para kay Robredo sa pagtimbang sa kung ano ang makakabuti sa bansa.
Inihayag naman ng dating senador ang kahandaan ng Magdalo na punuan ang kakulangan sa liderato kung sakali ngang umatras ng tuluyan si Robredo.