May paalala si Vice Pres. Leni Robredo sa kanyang mga kritiko at mga kontra sa kanyang panunungkulan.

-- Advertisement --

Hindi na raw kasi palalampasin ng bise presidente ang bawat banat ang maling alegasyon na ibabato sa kanya ngayon, at tiyak na haharapin na niya.

Sa isang panayam sinabi ni Robredo na mismong mga staff ng Office of the Vice President ang kanyang unang pinagsabihan na magiging bukas na siya at hindi na lang basta tikom sa mga issue.

Aminado ang pangalawang pangulo na nanahimik siya sa nakalipas na tatlong taon, pagdating sa usapin ng mga paratang ng ilang kritiko.

Pero tila naging bentahe pa raw ng mga kontra sa kanyang administrasyon ang kanilang paggiging tikom kaya oras na umano para basagin ito.

“For three years, hindi ako umimik kasi feeling ko dati, bibigyan ko lang ng importansya, mas mabuti huwag pansinin. Pero mali ‘yata ‘yun eh kasi napansin ko dahil wala kaming sinasabi, hindi namin pinapansin, akala ng tao totoo,” ani Robredo sa isang TV interview.

Kung maaalala, humatak ng atensyon kamakailan sa social media ang post ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) exec Mocha Uson.

Ayon kasi sa opisyal, limitado lang sa limang pandesal at bote ng tubig ang ipinamahaging tulong ni Robredo sa mga evacuees ng pagsabog ng bulkang Taal.

“‘Yung kay Mocha kasi, ang mali doon, kasi sinusweldohan siya ng pamahalaan so ako talagang I made it a point na i-call out siya pero para sa akin ‘yung pag-call out ko, tama na ‘yun. Ayoko nang pahabain pa kasi hindi naman nakakatulong,” ayon sa bise presidente.