-- Advertisements --

Nanawagan na ng tulong si Vice Pres. Leni Robredo sa mga magnanais na abutan suporta ang mga health workers na pasan ang kasalukuyang kalbaryo na dulot ng coronaviruse disease (COVID-19) bilang nasa frontline service.

Sa isang mensahe, ipinaabot ng bise presidente ang kanyang pasasalamat at pagkilala sa sakripisyo ng mga doktor, nurse, at iba pang nasa larangan ng medisina na naglalaan ng sakripisyo para matugunan ang pangangailangan ng publiko.

“Tunay na kahanga-hanga ang ating mga frontliners—ang mga doktor, nurses, at iba pang kawani—na nagpapakita ng tapang, tatag ng loob, dedikasyon at husay sa gitna ng banta ng #COVID19 sa bansa.”

Batid ni VP Leni na walang katiyakan kung hanggang kailan tatagal ang outbreak ng pandemic sa bansa, kaya nanawagan ito ng suporta para matiyak na sapat ang supply ng personal protective equipment (PPE) ng healthcare workers.

“Kasabay ng pasasalamat sa kanila, panata ni VP Leni Robredo at ng kaniyang Tanggapan ang tumulong para masuportahan sila. Nagsimula nang kumilos ang OVP para makapag-procure ng mga personal protective equipment (PPE), na siyang pangunahing pangangailangan ng ating mga healthcare workers.”

“Pero marami at patuloy pa rin ang pangangailangan para dito habang lumilipas ang mga araw. Kaya naman hinihikayat rin namin ang lahat na tumulong na suportahan ang ating mga frontliners at ang kanilang mga pamilya.”

Nilinaw naman ng bise presidente, na hindi cash donations ang hinihingi ng kanyang tanggapan.

Nitong araw nang sabihin ng Department of Health (DOH) na ilang healthcare workers sa Philippine Heart Center ang pinag-quarantine matapos mabatid na na-expose sila sa isang COVID-19 patient.