Pumalag ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa banat ng Malacañang kaugnay ng resulta ng Pulse Asia sa trust ratings ng ilang opisyal.
Nitong Lunes nang paringgan ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pangalawang pangulo dahil 57% lang ang performance rating na nakuha nito para sa buwan ng Setyembre.
Mababa kumpara sa 91% ni Pangulong Rodrigo Duterte; 84% na Senate President Vicente Sotto III; at 70% ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
“Naku Madam VP, mukhang tama ang aking sinabi, mukhang ayaw po ata ng Pilipino ang namumulitika sa panahon ng pandemya,” ani Roque.
Pero sagot ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, malinaw na may nagtitiwala pa rin sa serbisyo ng ng pangalawang pangulo sa gitna ng mga ibinabatong kritsismo sa kanya.
“Tama naman. Kaya nga karamihan pa rin ng ating mga kababayan suportado pa rin si VP Leni. Malinaw kasi na kahit katiting ang budget ng opisina, patuloy ang panlalait at paninira, at panay ang pagpakalat ng fake news sa Facebook laban sa kanya — nagtratrabaho pa rin siya para sa kapakanan ng marami.”
“Nagpapasalamat kami sa ating mga kapwa Pilipino na patuloy kumikilala sa kanyang walang tigil na paglilingkod sa ating mga kababayan.”
Parehong ring nasa 91% ang trust rating ni Duterte; 79% kay Sotto; 67% kay Cayetano; 50% kay Robredo; at 39% kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta.