Kinuwestyon ni Vice President Leni Robredo ang pagpasa ng Kamara sa sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte na Anti-Terorrism Bill.
Hindi kasi kumbinsido ang pangalawang pangulo sa layunin ng pagmamadali sa pagsasabatas nito, lalo na’t nasa gitna ng health crisis ang Pilipinas dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Robredo, bakit ipinipilit ng pamahalaan ang panukalang batas ngayong maraminng problema na kailangang tugunan.
“Bakit natin sinasabing pinipilit? Nakita natin iyong statement ng mga authors sa House of Representatives na binawi iyong kanilang pagiging author. Anong dahilan nila? Ang dahilan nila kasi ayaw nang mag-accept ng amendments.”
Iginiit ni VP Leni na pagbawi sa boses ng mamamayan ang ginawang pag-adopt ng mababang kapulungan ng Kongreso sa bersyon ng Senado para lang hindi na dumaan sa bicameral conference comittee ang panukala.
Nababahala ang bise presidente, dahil marami umanong probisyon sa Anti-Terrorism Bill na posibleng magdulot ng paglabag sa karapatang pantao.
“Noong nilawakan nila iyong definition ng terrorism, nakakatakot iyon. Isa pang nakakatakot na provision, kasi doon sa Human Security Act na kinukwestiyon na natin noong 2007, mayroon doong isang provision kung saan pini penalize iyong mga law enforcement
officers na wrongfully nag-accuse—ay, wrongfully na nag-arrest.”
“P500 thousand. Inalis iyon. Gustong sabihin, wala ng takot kahit mang- aresto nang mang-aresto kahit walang basis.”
Nilinaw ni Robredo na maaari pa rin namang isulong ang panukalang batas, dahil maging siya ay sang-ayon laban sa terorismo.
Pero mas mabuti umano huwag itong madaliin at mabusising pag-aralan ng mga mambabatas ang bawat probisyong ilalathala.
“Mariin natin itong kinokontra. Hinihingi natin, hindi natin binabawalan magpasa ng batas kung palagay nila, hindi pa sufficient ito. Pero sa tama naman na proseso. Walang railroading kasi kapag niri-rail road, bakit?”
Pansamantalang naantala ang pagsusumite ng Kongreso sa Malacanang ng inaprubahang panukalang batas dahil sa ilang kongresista na umatras at binawi umano ang kanilang mga boto pabor dito.










