Nag-uumapaw ang kilig at nostalgia sa social media matapos muling magsama sa entablado ang dating magkasintahan na sina Robi Domingo at Gretchen Ho sa isang charity concert, na agad naging usap-usapan ng mga netizens.
Sa “Pagdiriwang ng Pag-asa: The Alay Kapwa Benefit Concert” na ginanap sa Araneta Coliseum, makikitang nagbibiruan at masayang nagtutulungan ang dalawa bilang co-hosts, bagay na ikinatuwa ng kanilang mga tagahanga.
Isang TikTok clip din na umani na ng higit 800,000 views ang nagpakita ng nakakaaliw na palitan nila ng linya.
“Pero alam mo, namiss ko,” ani Gretchen.
“Namiss mo?” tugon ni Robi, na sinundan ng hiyawan mula sa audience.
“Kayo,” sagot ni Gretchen, na tumutukoy sa mga kasamahang artista sa event.
Agad itong nagpakilig sa mga fans ng tambalang “RobiChen,” na sumikat noong sila’y magkarelasyon pa mula 2012 hanggang sa kanilang hiwalayan noong 2017.
“Namiss ko rin ‘tong dalawang ‘to makita together,” komento ng isang fan
Bagama’t matagal nang tapos ang kanilang relasyon at kasal na si Robi sa kanyang non-showbiz partner na si Maiqui Pineda, marami pa rin ang natuwang muling makita ang kanilang chemistry sa entablado.