-- Advertisements --

Ipinahayag ni House Infrastructure Committee Overall Chairperson Terry Ridon ang kanyang suporta sa panawagan ni Makati Business Club (MBC) Executive Director Apa Ongpin para sa patas na proseso para sa lahat ng nasasangkot sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control.

Ayon kay Ridon, ang pahayag ni Ongpin ay nagpapakita ng isang “balanse at makaprinsipyo” na pananaw, sa gitna ng mga haka-haka at espekulasyon na bumabalot sa pampublikong diskurso.

Binigyang-diin ni Ridon na walang sinuman maging sa ehekutibo, lehislatura, o pribadong sektorang dapat mailigtas sa pagsusuri kapag may usapin ng paggamit ng pondo ng bayan. 

Aniya, lahat ng institusyon at personalidad ay dapat parehong may karapatang marinig at obligasyong makipagtulungan sa mga lehitimong imbestigasyon.

Tinukoy rin ni Ridon na may ilang opisyal nang nagpapakita ng kooperasyon sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), at hinimok ang iba pang sangkot na gawin din ito.