Inihayag ng transport group na dapat isaalang-alang ng national government ang muling pagbuhay sa Oil Price Stabilization Fund (OPSF) sa gitna ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa nakalipas na mga buwan at ang kawalan ng katiyakan ng katatagan ng presyo ng langis dahil sa patuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Mula Enero nitong taon, tumaas ang presyo ng gasolina ng P23.85 kada litro habang P30.30 kada litro sa diesel, at P27.65 kada litro sa kerosene.
Ayon kay Atty. Vigor Mendoza II, chairman ng transport group 1-UTAK, na ang muling pagbuhay sa Oil Price Stabilization Fund (OPSF) ay makakatulong sa publiko sa pagharap sa pagtaas ng presyo ng langis, lalo na’t nagkaroon na ng kakapusan sa mga pampublikong sasakyan lalo na sa Metro Manila dahil sa desisyon ng ilan sa mga driver at operator na itigil ang operasyon sa serye ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ilan din sa mga magsasaka at mangingisda ang napaulat na gumamit ng alternatibong kabuhayan dahil hindi nila nakayanan ang presyo ng mga produktong langis na ginagamit nila sa pagsasaka at pangingisda.
Sinabi ni Mendoza na ang masamang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis ay nangangailangan ng pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga hakbang na magpapagaan sa epekto ng kawalang-katatagan ng presyo ng langis, isa na rito ang muling pagbuhay sa OPSF na sinuportahan mismo ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos noong panahon ng kampanya.
Idinagdag pa ni Mendoza na sumang-ayon siya kay Marcos nang humarap ito sa isang talakayan sa town hall sa Marikina kasama ang mga transport group at iba pang grupo noong panahon ng kampanya.