
Ipinagpatuloy ngayong araw ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang retrieval operations para sa bumagsak na Cessna plane.
Batay sa update na inilabas ng mga kinauukulan, pasado alas-8:00 ng umaga kanina dumating ang retrieval team sa crash site sa masukal na bahagi ng Sierra Madre sa Divilacan, Isabela.
Ngunit ang madulas na dalisdis ng kabundukan kasabay ng pagbuhos ng ulan sa lugar ay nagdulot ng bahagyang pahirap sa team na nagpapabagal ngayon sa kanilang operasyon.
Ayon sa Disaster Risk Management Office ng nasabing lalawigan, isisilid sa isang malaking plastic bag ang mga labi ng piloto at limang sakay na pasahero atsaka ito ilalagay sa mga cadaver bags.
Pipilitin anila ng mga ito na agad na maibaba ang mga bangkay ng mga biktima mula sa kabundukan sa lalong madaling panahon.
Kung maaalala, nitong Marso 9 iniulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nahanap na ang nawawalang Cessna plane sa bahagi ng Barangay Ditarum, Divilacan, Isabela mula nang unang mapaulat itong nawawala noong Enero 24, 2023 matapos mag-take off mula sa Cauayan airport sa nasabing lalawigan.










