PGC PH Genome Center
IMAGE | The Philippine Genome Center/file

MANILA – Posibleng sa Miyerkules o Huwebes daw lumabas ang resulta ng “genome sequencing” sa positive samples ng mga pasaherong galing sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng bagong COVID-19 variant.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagsimula nang tumanggap ng specimen ang Philippine Genome Center (PGC) para pag-aralan kung mayroon na bang bagong variant ng COVID-19 virus sa confirmed cases na may travel history sa mga apektadong bansa.

“Currently nakapag-receive na (ng specimens) ang ating PGC. They already were able to start the process, hopefully by this Wednesday or Thursday this week we’ll see the results of these passengers,” ani Vergeire.

Bukod sa mga dumating na pasahero, kumuha na rin daw ng positive samples ang PGC mula sa mga confirmed cases noong Nobyembre at Disyembre.

“Those sectors in the population which we see na vulnerable, mas risky sila na magkaroon ng ganitong variant. Sa mga ospital nakakuha tayo ng samples, doon sa mga may clustering ng cases, closed institutions para makita natin na dito talaga existing ay may variant sa ating bansa.”

Nilinaw ng Health spokesperson na tanging samples ng mga nag-positive sa COVID-19 lang ang isinasalang sa “genome sequencing.”

Ayon daw sa PGC, tinatayang higit 700 specimen ang kailangan sa isang cycle ng genome sequencing na tumatagal ng limang araw.

Sa ngayon, dumadaan sa “parallel swabbing” ang mga biyaherong galing sa affected countries ng bagong coronavirus variant. Ibig sabihin, bukod sa samples na kinukuha para sa RT-PCR test, kokolektahin din ang samples ng confirmed cases para sa “genome sequencing.”

Nilinaw naman ni Vergeire na walang babayaran ang kukuhanan ng samples para sa naturang proseso.

“Yung isa kasi its an extra specimen only, so there’s no need for test to be done. Its going to be sequenced. Doon lang sa RT-PCR, baka doon sa mga returning OFs (overseas Filipinos), doon may bayad. Pero yung additional na kinukuha natin ay walang bayad, ito ay para sa specimen collection para sa genome sequencing.”

Bukod sa PGC, nagsasagawa din ng genome sequencing ang Research Institute for Tropical Medicine at UP National Institute of Health.

Higit 20 bansa na ang pinatawan ng travel ban ng pamahalaan matapos silang mag-ulat ng kaso ng bagong COVID-19 variant, na unang pumutok sa United Kingdom.

Ayon sa mga eksperto, mas nakakahawa ang bagong anyo ng virus, pero wala pang ebidensya na mas nakamamatay ito.