Sa susunod na linggo inaasahang mailalabas na ang resulta ng isinagawang DNA examination ng PNP Forensic Group sa mga hair strands at blood samples na nakuha ng mga otoridad mula sa inabandonang sasakyang pinaniniwalaang pinaglipatan ng duguang katawan ng beauty queen na si Catherine Camilon.
Ayon kay PNP Forensic Group, Public Information Officer PMaj. Rodrigo Sotero Jr., sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang pagsusuri ng kanilang mga eksperto sa mga DNA samples na nakalap ng mga otoridad at maging ibinigay ng pamilya ni Camilon.
Kung maaalala, una nang sinabi ni CIDG 4A Field Office chief PCol Jacinto Malinao na aabot sa 17 hair stands, at 12 suspected swab blood samples ang kanilang narekober mula sa naturang sasakyan.
Sabi naman ni PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, sa oras na mag-match ang mga forensic evidences na nakuha sa inabandonang sasakyan at sa DNA samples na ibinigay ng pamilya ni Camilon ay mas magiging mas matibay ang mga kasong inihain ng kapulisan sa mga kasalukuyang suspek sa kasong ito kabilang na ang pulis na si PMAJ Allan De Castro na umaming karelasyon ni Camilon.