Pinagtibay ng House Committees on Health at Information on Communications and Technology ang resolusyon na naglalayong bumuo ng isang unified contact tracing protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa virtual meeting ng dalawang komite nitong umaga, binigyan diin ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan ang kahalagahan nang pagkakaroon ng isang unified contact tracing protocol upang sa gayon ay maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
Sa ngayon kasi, ang implementasyon ng contact tracing ay nahaharap sa issue ng mishandling at korapsyon sa data confidentiality.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1536 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, iginiit ang kahalagahan nang pagkakaroon ng national contact tracing protocol na magtitiyak sa mas epektibong health emergency data monitoring system sa bansa.
Ayon kay Velasco, dapat nakapaloob sa proposed protocol ang designation ng isang government agency na magsisilbi bilang centralized repository ng impormasyon para sa mas mabilis na health emergency response system.
Iminungkahi ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na i-integrate ng mga local government units ang kanilang mga contact tracing applications sa mobile application na StaySafe.PH.