Asahan ang panibagong reshuffle sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa katapusan ng buwan.

Ayon kay PNP officer-in-charge (OIC) P/Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, ang mga pangunahing maaapektuhan sa rigodon ay mga regional directors at mga hepe ng kanilang National Support Units.

Sinabi ni Gamboa na magiging batayan ng pananatili sa puwesto ng mga kasalukuyang nakaupo sa mga nabanggit na posisyon, ay ang kanilang performance rating.

Aniya, sa darating na Enero 20 gagawin ang susunod na performance review, at mayroong isang linggo ang mga opisyal na aapela ang kanilang rating bago ito maisapinal.

Ang mga opisyal naman daw na hindi maganda ang performance ay papalitan ng mga bagong opisyal upang mabigyan ng pagkakataon ang mga bagong iuupo na patunayan ang kanilang husay.

Sinabi ni Gamboa na nasa kanyang kapangyarihan bilang OIC na magtalaga ng mga bagong opisyal, at ang lahat ng kanyang mga ipupwesto ay dadaan sa approval ng National Police Commission at ni Interior Sec. Eduardo Año.